Sabado, Agosto 29, 2015


     Ang Paglalakbay sa Buhay ni Jose ay isang ekstra ordinaryong pangyayari sakin. Muli kong natunghayan ang mga lugar na kung saan nalalarawan ang buhay ng isang henyo at dakilang tao sa kasaysayan ng ating bansa. Sa mga lugar na ito, tayo'y magbalik tanaw sa mga mahahalagang pangyayari kay Dr. Jose Rizal.
     Maaga pa lamang ay gumising na ako at inayos ang mga bagay na kakailanganin para sa paglalakbay aral sa Buhay ni Jose. Nagdala ng isang maliit na sisidlan, pamalit ng damit, pabango syempre at iba pang gamit. Syempre pinaghandaan ko na rin ang magiging gastos dito. Hinintay at naghintay sa mga kasama sa pinagkasunduang lugar at gaya ng inaasahan "nahuhuli man ngunit nakakhabul pa rin", medyo nahuli kasi yung iba sa usapang oras. Pagkatapos makompleto ay humayo na kami at naglakbay.


          Fort Santiago
   
Pasukan sa Fort Santiago
      Ang Fort Santiago ay ang lugar kung saan ikinulong si Dr. Jose Rizal  bago sya barilin sa Bagumbayan(Luneta). Ito ay naging kuta at malaking tanggulan na ginawa para sa kongkistador na Kastila si Miguel Lopez de Legaspi. Sinasabing dating kinatatayuan ng kaharian ni Rajah Sulayman ang Fort Santiago bago dumating ang mga Espanyol. Sa kasalukuyan isa itong popular na puntahan ng mga dayuhan dahil dito makikita ang mga alaala ni Dr. Jose Rizal bago sya barilin.

Metal na Yapak ni Rizal
     Sa mga metal na yapak na ito, ipinapakita ang paglalakad ni Rizal mula sa kanyang piitan patungo sa Bagumbayan. Dito ipinakita ni Rizal ang kanyang pagiging martyr at pagmamahal sa bayan hanggang sa huling kisap ng kanyang mata.

Ang Piitan ni Jose sa Fort Santiago
     Dumating si Rizal sa Fort Santiago noong Nobyembre 3, 1896. Ikinulong siya dito hanggang sa litisin at hatulan ng kamatayan noong Desyembre 28, 1896. Ang piitan na ito ang nagsilbing tahanan para sa kanya sa loob ng isa't kalahating buwan.
     Hindi naman ako o kami nahirapan sa paghahanap sa Fort Santiago subalit sa haba ng aming nilakad dun kami nahirapan. Sa pagpunta dito ay nagtanong tanong din kami ng direksyon, may mga tamang sagot at may mga patamang sagot ang aming mga natanungan. Hahaha, ang saya pa nga eh kasi may nadaanan kaming underpass na may mga mukhang adik o baka adik na nga ata yun ng mga nakatambay. Sa loob ng Fort Santiago dun na namin natagpuan ang mga yapak ni Jose  na sinundan namin patungo sa kanyang piitan. Pero yung kulungan mukhang hindi na piitan, wala ng bubong. Hindi maipinta ang kagalakan ko ng makapasok na kami sa Fort Santiago, first time eh hehe. Ang damdamin ko'y nagumapaw sa galak dahil napuntahan ko ang isa sa mga makakasaysayang lugar sa buhay ni Jose.


Isa sa mga larawan namin ng mga kasama ko sa metal na yapak at piitan ni Rizal



          Ateneo Municipal De Manila

Marker ng dating kinatatayuan ng Ateneo Municipal de Manila
     Ito ang unang paaralan na pinasukan ni Jose sa Maynila noong Enero 2, 1872. Dito niya tinanggap ang maraming parangal at natong sobresaliente.

Hindi naman ganun kahirap ang paghahanap sa lugar na ito dahil nga sa ito ay nasa loob lamang ng Intramuros at hindi kalayuan sa Fort Santiago madali lang namin ito natagpuan. Mapalad kami nun kasi may matino kaming napagtanungan di gaya nung sa ibang lugar. Sa sobrang init ng panahon nakakapawis talaga. Hindi ko na pinansin yung gusali kasi parang may puting tent na dun ngayon.



          Unibersidad ng Santo Tomas

Dating kinatatayuan ng Unibersidad ng Santo Tomas
     Ito ang gusali na kung saan nakatayo ang dating UST. Dito ni Jose  kinuha ang kursong Politika at Panitikan. Hindi naging madali ang buhay estudyante ni Jose dito sapagkat may guro na ayaw sa kanya. Sa unang tingin di mo akakalain na dating eskwelahan ito. Bukod sa ibat ibang tindahan na nasa loob nito para itong isang kondominyum. Hindi naman mahirap hanapin yung gusali dahil medyo maayos pa ang struktura nito. Makikita sa larawan na nasa gilid ang mga kasama na nagpapahiwatig na napapagod na rin sa mahabang nilakad. Hahaha nakakapagod naman nga talaga.Hindi namin nakita yung marker, nasa may gilid lang pala hindi kalayuan sa pwesto ng kinuhaan namin ng litrato, sayang.




          Pinaglitisan ni Jose

Kwarto ng pinaglitisan ni Dr. Jose Rizal
     Sa loob ng kwartong ito nilitis si Jose. Makikita sa loob ang isang pigura ni Rizal na nagapos ang mga kamay at nililitis.

Marker ng Cuartel de EspaƱa
     Sa marker na ito kami nahirapan sa paghahanap, umarkila pa kami ng padyak para mas mapabilis kami. Hindi na rin kasi alam ng mga gwardya kung saan mismo nakalagay yung marker. Halos umabot nga kami ng isang oras sa paghahanap dito. Pero sa bandang huli, nakuha pa rin ngumiti at natagpuan na nga ito. Pagkatapos maglakad ng mahaba, sumakay ng padyak at nagtanung tanong sa huli masaya at pawisan kami hehehe bango namin.



          Monumento ni Jose

Monumento ni Dr. Jose Rizal (Luneta Park)
     Pagkatapos namin sa Intramuros isinunod namin puntahan ang Rizal's Monument. Ang sarap talaga pumunta dito, muli mong magugunita ang kabayanihan at kadakilaan ni Jose. Maaliwalas ang lugar at masarap damhin ang simoy ng hangin. Nakakalungkot lang isipin na ang mga taong pumupunta doon ay mas binibigyang pansin ang view para sa pansariling kaligayahan at hindi pag gunita sa kadakilaan ni Rizal. Marami kasi akong napansin ng mga gumagala lamang kasama ang kanilang mga kasintahan. Pero, isa talagang opurtunidad ang pagpunta dito. Muling bigyang pansin si Dr. Jose Rizal.




          Pambansang Museo ng Pilipinas ( National Museum of the Philippines)

Harapan ng Gallery V

     Pagkatapos sa Luneta ay dumiritso na kami sa Museum, hindi naman kalayuan mula sa Luneta. First time ko dito. Mahaba haba ang pila na dinatnan namin pero hindi naging sagabal, tumayo at naghintay. Gusto kasi namin na matapos lahat eh medyo hapon na rin kaya pursigido talaga kami. Sa loob nabawasan ang pagod kasi malamig. Tumingin ng mga larawan, nagmasid at namangha, astig pala dun.

 
     
                                               


          Paco Cemetery

Ang Himlayan ni Jose
     Dito sinasabing inilibing si Jose pagkatapos barilin sa Bagumbayan. Pagkatapos ay pinahukay at dinala ang kangyang labi sa Binondo sa utos ng kanyang Ina. Kung mapapasin nyo ang itsura ng libingan na to, ay halos naayon sa huling hiling nya na " ilibing ang kanyang labi sa paanan ng bundok, kung nais bakuran at lagyan ng krus ay maaari". Kahit papano ay tugma ang kalagayan ng himlayan na ito. Ang pagpunta dito ay sumakay kami ng jeep, nagtanong at naglakad ng hindi naman kahabaan. Masayang marating ang lugar na ito.


          Tahanan ni Higino Francisco


Kinatatayuan ng Bahay ni Higino Francisco
     Makikita sa larawan ang bakanting lote na dating kinatatayuan ng bahay ni Higino subalit wala na ang bahay sa kasalukuyan dahil ipinagiba na ng gobyerno. Dito sa bahay na ito dinala ang labi ni Dr. Jose Rizal pagkatapos hukayin sa Paco Cemetery papuntang Luneta. Sa bahay rin na ito itinago ang unang sipi ng Noli Me Tangere.
     Nahirapan kaming tukuyin ang lugar na ito sapagkat ang driver ng tricycle na aming nasakyan ay nagkukunwaring alam niya ang lugar. Nagpaikot ikot kami sa mga kanto ng Binondo. Masikip at matao pa naman ng mga oras na yun. Nang matuklasan namin ang lugar at magbabayad na kami sa driver ang humingi pa ito ng dagdag at sinisi pa kami. Pagkakataon nga naman, pero sa huli naging masaya pa rin. Hehehe at last, ang huling destinasyon, hohoho natapus din.



     Isang malaking karangalan para sa isang estudyante na katulad ko, ang makarating sa mga lugar na kung saan masasariwa at maalala mo ang isang henyo, manggagamot, dakila at isang tao na may matayog ang
pagmamahal sa bayan, at walang iba kung hindi si Dr. Jose Rizal ang taong ito. Naging malaking tulong ang lakbay aral na ginawa namin upang mas makilala namin si Jose. Kung dati sa libro mo lang nakikita ang kanyang mga ginawa, sa lakbay aral na ginawa personal kung nakita ang kanyang mga likha at mga obra maestra. Namasdan ko rin ang ibang gawa na patungkol sa kanya. Nakakalaki talaga ng puso ang mga lugar na yaon.
     Dahil din sa lakbay aral na ito may mga tao ako na nakasalamuha na kung tutuusin eh mas may alam pa kaysa sakin sa history nung mga lugar. Astig talaga ito. Bukod sa galak na dulot ng paglalakbay, akalain mo narating ko ang mga lugar na yun. Hindi ko kasi iniisip ito nung bata pa ako, kaya nga ang saya talaga.



     Nagpapasalamat ako ng lubos sa aming guro, ma'am Bella sa binigay nyong pagkakataon na ito.
 Pagpalain po kayo ng Maykapal.
Isang malaking karangalan para sakin ang dulot ng Paglalakbay Aral sa Buhay ni Jose.




"Mahal ko ang aking bayan pagka't utang ko rito at magiging utang pa ang aking kailgayahan"
-Ibarra